FANDOM



Ang AwtorEdit

Noong dekada limampu, isang pamilyar na magasin ang Liwayway. Kilalang pangalan dito ay si Aling Charing na siyang taga-payo ng sa mga asawa, ina, at mga mambabasa ng nasabing magasin. Ang pangalan naman na Rosario Ladia Jose ay kilala bilang manunulat ng mga nobelyang de-serye at mga maikling kuwento. Ang hindi alam ng halos lahat ay iisa lamang ang dalawa; iisa lamang si Aling Charing at Rosario Ladia Jose.

Siya’y ipinanganak sa Moriones, Tondo, noong 30 Mayo 1928 kina Elisa Ladia at Numeriano Jose. Siya’y isa sa limang magkakapatid. Sa Lakandula Elementary School siya nagtapos ng mababang paaralan. Siya’y nakapagaral sa Torres High School ngunit hindi nakapagtapos sa dahilan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1941. Sa kabila ng kahirapan at kawalan ng oportunidad na makapagaral, siya’y nagtiyagang magtinda ng kakanin sa harap ng kanilang bahay upang makatulong na ipaunlad ang pamilya.

Nahiligan ni Rosario ang pagsusulat ng maikling kuwento simula palang ng kaniyang kabataan. Matapos ang digmaan, sa Magasin ng Bagong Buhay, ay nagsimula siyang maglathala ng kaniyang maikling kuwento. Sa tulong nina Liwayway Arceo, nakapagtrabaho siya sa Liwayway at kinuha siya bilang literary secretary ni A. C. Fabian, ang pangkalahatang tagapamahala. Nagsalin si Rosario ng mga akda mula sa Ingles, kumuha ng diktasyon ng kaniyang boss, at nagtala ng mga idea na ginawang materyal para sa mga nobela ni Fabian.1 Ang pagsama sa mga miting ng kagawad at manunulat ay nagmistulang naging gabay sa kaniyang malikhaing pagsulat.

Si Rosario ay nakapasok sa mas mataas pang posisyon mula sa pagiging literary secretary. Noong 1952, siya’y naging patnugot ng pitak-pangkababaihan sa Liwayway. Dito niya isinasalaysay at hinahango ang mga sariling karanasan at mga ideyang kaniyang napupulot sa mga nababasang inilathala ng iba. Ang mga paksa sa “Pantahanan”, “Pitak ng mga Tumpak na Asal”, “May Suliranin ba kayo”, at “Tahanan at Sining” ay may hawig sa isa’t isa; ito’y patungkol sa mga kababaihan at ang kanilang pangaraw-araw na gawain.

Kasunod ng pagtanggap ng bagong posisyon ay ang paglikha ng ngalan na Aling Charing na ikinabit sa pamagat ng pitak na lumabas sa Liwayway.1

Noong Pebrero 1958, siya’y ikinasal kay A. C. Fabian, na isang biyudo, at sila’y nagkaroon ng dalawang anak na sina Emma at Noel.

Ilan sa kaniyang mga nilikhang nobela ay ang Bulaklak sa Parang (1955), Cristina (1953-1954), Matanda sa Una (1959), at Sa Silong ng Kalangitan (1959). Bukod sa mga nobela, mayroon rin siyang koleksyon ng mga maikling kuwento. Sa kaniyang Timbulang ng Pagibig at iba pang kuwento, makikita na ang mga temang ipinapaloob ni Rosario Jose ay tungkol sa pagbibinata, pagdadalaga, pagibig, at pagmamahal ng mag-asawa, mga magulang at anak, at ng mga magkakapatid. Ang pagbilang ng kaniyang mga kuwento sa Magasin ng Bagong Buhay, Liwayway, at sa Bulaklak ang nagbigay daan sa kaniya upang maisakatuparan ang kaniyang pangarap sa buhay.

Sa pagbabalik-tanaw sa dekada-limampu, tunay na tumatak, patuloy na tumatatak, at muling tatatak sa mga mambabasa ang mga aral na hindi mapupulot sa ibang karaniwang mga akda na nais ipahiwatig ni Rosario Jose.


Buod ng mga KuwentoEdit

Dalaginding si KupidoEdit

Nagsimula ang kuwento sa eksenang ginagamot ng nanay ni Nita Morales ang kaniyang sugat sa tuhod na natamo dahil sa pagbagsak mula sa puno ng bayabas. Kasama ang hapdi ng sugat ang pait na natanggap ni Nita mula sa sermon ng kaniyang ina ukol sa pagdadalaga; hindi raw gawain ng isang labing-apat na taong gulang babae ang mga tulad ng pagakyat sa puno, kinakailangan na daw niyang magbago. Dadating ang kaniyang Kuya Efren at sa paraan ng pagbanggit na ang kaniyang iisang babaeng kapatid ay tomboy, nabigyang liwanag ang sekswalidad ng pangunahing tauhan.

Umikot ang kuwento sa pagkadiskubre ni Nita sa isang lokal na pahayagan ang bahagi ng “Kaibigan sa Pagsulat” kung saan si Bb. Virgie Morales, 21 na taong gulang, ay naghahanap ng penpal. Nagsimula ang eksperimento ni Nita sa pagsusulat para kay Virgie at sa pagpapanggap niya bilang kaniyang Kuya, si Efren Morales. Matapos ng ilang pagpapalitan ng liham ay naisipan ni Nita na magkunwaring ligawan si Virgie, at sa di inaakala ay ito’y kaniyang napasagot ng “Oo.” Nagkagulu-gulo na ang lahat nang ninais ni Virgie na makipagtagpo na sa kaniyang “nobyo” at sa kasawiang palad ay kinailangan nang aminin ni Nita ang buong pagpapanggap.

Isang flashback lang pala ang nangyari at nagtapos ang kuwento sa paglalahad na nauwi ang lahat sa pagiibigan at pagpapakasal nina Virgie at Kuya Efren, lahat ng dahil sa kupidong si Nita.


Ganda sa Maghapon, Bango sa GabiEdit

Parating napapansin ni Lydia ang isang lalaking nagtutungo bawat araw sa flower shop ni Mrs. Fernandez at bumibili ng rosas sa umaga at kuwintas ng sampaguita naman sa gabi. Nagtataka ang dalaga at nagkaroon siya ng paghahangad na alamin ang ginagawa at kung para kanino ang mga bulaklak na binibili ni Mr. Santos. Nang siya’y dinala ng kaniyang pagkamausisa sa tindahan ni Mrs. Fernandez, napagalaman niyang ang mga bulaklak ay para daw sa maybahay niyang may sakit batay sa kaniyang mga isinalaysay sa may ari ng estante. Namangha naman si Lydia sa kaniyang nabatid dahil hindi niya aakalaing mayroon pang natitirang lalaking ganoon katibay ang pagmamahal sa kaniyang asawa. Nanumbalik kay Lydia ang kaniyang karanasan sa pagiibigan nila ni Mario at ang samahan ng kaniyang kapatid at bayaw. Ang mga ito ay nagpaalala sa kaniya ng mga ipinakikitang hindi magandang ugali ng mga nanunuyong binata at ang mga pangakong tila napapako lamang at siya’y nagtataka kung bakit wala pa siyang nakikilalang binata tulad ni Mr. Santos. Lumipas ang ilang linggo ay tila hindi na bumibili si Mr. Santos ng mga bulaklak at nang siya’y muling tumungo sa estante ni Mrs. Fernandez matapos ang mahabang panahon ay ipinaliwanag niya na namatay ang kaniyang ina at gumaling na ang kaniyang asawa kung kaya’t ang mga sampaguita ay kaniyang iuuwi para sa kaniyang mga anak. Matapos nito ay napabuntong-hininga na lamang ang dalaga at saka tinanong sa sarili kung kalian pa kaya siya makatatagpo ng isang lalaking tulad ni Mr. Santos.


Kunwari pa raw… Ehem!Edit

Nauwi sa pagkayamot at pagkagalit ni Merced kay Joven matapos siyang gulatin at pagtawanan habang siya’y naghahalaman sa labas ng kanilang bahay. Pagkalipas ng ilang araw ay walang tigil parin ang panunukso ni Joven sa pamamagitan ng pagsilip mula sa bintana o sa pagtitig habang si Merced ay naglalakad at sa ilang pagtangkang paglapit upang humingi ng paumanhin sa nagawang biro. Sa lahat ng pagsusumikap ni Joven na siya’y kausapin, wala parin ni isang kibong ginawa ang dalaga at dumating ang panahon na ang binata’y muli nang tumigil. Nagdaan ang mga araw at tila si Zeny, ang pinsan ni Merced na nagkakagusto sa binata, ang kinakausap na lamang ni Joven. Hindi inaasahang makararamdam ng panibugho si Merced sa pinsan. Isang araw, nang ang dalaga’y nagsasaing sa kanilang pugong de gas, ay nagliyab ito at nagdulot ng apoy sa kanilang kusina. Agad-agad namang sumaklolo si Joven at ginamit ang pagkakataong ito upang ipagtapat kay Merced ang tunay na nararamdaman, ang tunay na rason ng lahat ng pagbibiro’t pagsilip sa bintana, at ito’y ang kaniyang pagkagiliw sa dalaga. Nagtapos ang eksena sa pagkahuli ni Zeny sa dalawa na nagkukurutan at sa pagamin ng kanilang sabwatan ni Joven upang mapalapit lamang kay Merced.


Sapatos ni CinderellaEdit

Tila fairytale ang pagwawakas ng kuwentong Sapatos ni Cinderella sa pagtatagpo muli nina Lety at ang kaniyang Prince Charming. Nagsimula muna ang istorya sa isang eksena kung saan si Lety ay nakatitig sa mga naggagandahang larawan ng mga kalahok sa “Bb. Cinderella ng Pilipinas” nang may biglaang sumigaw “Narito pala ang tunay na ‘Cinderella ng Filipinas!’” na kumuha ng atensyon ng lahat ng naroon. Sa kaniyang pagkatalikod upang usisain kung sino ang nagsabi noon ay bumulaga sa kaniyang mukha ang hintuturo ng isang lalaki at saka napahiya pa lalo si Lety nang makita niyang sa kaniya nakatuon ang mga mata ng lahat. Siya’y nainis at galit na galit na naglakad paalis at sa kasawiang palad ay napigtas ang kaniyang sapatos na suot. Agad-agad na sumunod sa kaniya ang lalaking nagpahiya sa kaniya at siya’y binilhan ng bagong sapatos. Tinanong ng lalaki kung ano ang pangalan ng dalaga ngunit ito’y tumangging ibigay at saka sinabi na si Cinderella ay hindi nagbigay ng kung anong detalye tungkol sa kaniya at ang paraan lamang na magkatagpo silang dalawa ng kaniyang Prince Charming ay sa pamamagitan ng tsinelas nag into, kung kaya ay dapat ganito daw ang gawin ng lalaki kay Lety. Matapos ang ilang araw ay hindi nabigyang pagkakataon ang kanilang tadhana na magkasalubong hangga’t sa isang piging na pareho nilang pinuntahan. Dito muling nagtagpo ang dalawa at natapos ang kuwento sa kanilang pagsasayaw hanggang magmadaling-araw.


Tunay na LalakiEdit

Tila walang katapusan ang pangangantiyaw na ginawa nina Luming, Maring at Chabeng at Berto na siyang pinagaakalang bakla dahil sa kaniyang kilos at gawain na karaniwa’y nararapat lamang para sa mga kababaihan. Ang madalas na pagkikuwintas ng sampaguita at pagsasabit ng palamuti sa dingding ang ilan sa mga kaniyang ginagawa kaya siya’y pinaghihinalaang “alanganin”, kung tawagin, ang sekswalidad. Ipinagtanggol ng matandang si Aling Sianang, na siyang matiyagang pinagsisilbihan ni Berto, sa pamamagitan ng pagpugay na siya’y “gloria” bilang isang kasamahan sa buhay at saka ipinahiwatig na ang paratang ng halos lahat na si Berto’y may anyong pagkabinabae ay pawang mali. Ito’y pinagdudahan parin at sinabi nina Maring na hindi niya kayang magtanggol sa panganib na siyang magpapatunay na siya nga’y lalaki. Isang araw ay natagpuan si Aning, isang dalagang umiibig kay Berto, at ang “alanganin” na nagbuburda at ito’y nagpalala pa sa pagiisip ng lahat dahil nagmukhang si Berto pa ang nagtuturo ng tamang paraan at proseso. Dumating ang isang pagkakataon kung saan napatunayan ni Berto ang kaniyang tunay na anyo noong siya’y nagdamit lalaki at matagumpay niyang patayin ang ahas na siyang biglaang bumungad sa kanilang harapan nang sila’y papunta sa isang piging. Higit na nagbago ang kaisipan ng lahat sa “alanganin” nang nalaman nilang nakatadka na palang ikasal si Aning at Berto.


Mga TauhanEdit

Dalaginding si KupidoEdit

Si Nita Morales ay isang labing-apat na taong gulang na ipinakilala bilang tomboy sa kuwento at siyang pala ang naging kupido sa pagiibigan ng kaniyang kuya at ni Virgie matapos ng isang malaking pagpapanggap sa mga liham. Ang iba pang tauhan sa kuwento ay ang mapagmahal at mapagalagang kapatid na si Kuya Efren, ang maganda at ulilang si Virgie Martinez, at ang nanay ni Nita.


Ganda sa Maghapon, Bango sa GabiEdit

Si Lydia, Mr. Santos, at si Mrs. Fernandez ang mga tauhan sa kuwento. Ang una ay isang dalagang nagmamasid parati sa pagbili ni Mr. Santos sa pagbili ng mga bulaklak sa may may-ari ng tindahan na si Mrs. Fernandez.


Kunwari pa raw… Ehem!Edit

Si Merced ay isang dalagang palabiro na minsang nainis sa kapitbahay, na kaniya namang iniibig pala sa huli, na si Joven, na siyang ring may lihim na nararamdaman para sa dalaga. Si Zeny naman, ang pinsan ni Merced, ang nagmistulang tulay para sa dalawang nagkukunwaring walang gusto sa isa’t isa.


Sapatos ni CinderellaEdit

Si Lety ang Cinderella sa maikling kuwento. Ang iba pang tauhan ay ang Prince Charming na hindi binigyang pangalan ng may akda, si Mr. Cruz na siyang boss ni Lety sa trabaho at si Belen na isang kawani sa kanilang pinagtatrabahuhan.


Tunay na LalakiEdit

Si Berto, nagiisang anak ni Aling Barang, ang naglilingkod sa matandang si Aling Sianang at siyang ipinagkakamalang hindi tunay na lalaki. Ang iba pang mga karakter sa maikling kuwento ay sina Aning, na siyang kasintahan ni Berto, at sina Luming, Maring, at Chabeng na mga chismosang nagbabalot ng suman na siyang nagbibitaw ng mga maiinit na salita tungkol sa kanilang tinutukoy na “alanganin.”


Mga TemaEdit

' '

Dalaginding si KupidoEdit

Isang temang maaaring mapulot sa kuwento ay ang isyu sa pagiging bigender, tomboy, na makikita sa pangunahing tauhan. Maaaring ipalagay na mayroong diskriminasyon na bumabalot sa pagbigay sermon ng ina at kuya ni Nita na dapat siya’y kumilos na bilang isang dalaga at kasama na rito ang pagbabawal na makihalubilo sa mga lalaki at paglalaro ng trumpo’t holen.

Ang pagmamahal sa kapamilya ay siya ring makikita sa kuwento. Ito’y masasaksihan sa pakikitungo ni Kuya Efren sa kaniyang kapatid sa pagtulong sa paglalantad ng katotohanan kay Virgie at sa pagpapakita ng pagmamalasakit ng pamilya sa isa’t isa tuwing mayroong may problema, kapag may nasaktan man o may nakasakit ng iba.

Ang pagiibigan din ng dalawang tao ay isa ring tema na nasasakop ng kuwento. Ito’y ipinamalas nina Kuya Efren at Virgie sa kanilang masayang pagtatapos ng pagpapakasal.


Ganda sa Maghapon, Bango sa GabiEdit

Pagibig ang paksang tinututukan ng maikling kuwentong Ganda sa Maghapon, Bango sa Gabi. Ipinahihiwatig ng akda ang walang pasubaling pagibig sa asawa, sa ina, at sa mga anak ni Mr. Santos na matiyaga at mapagalalang naguuwi ng mga bulaklak na may kalakip na pagmamahal bawat araw.


Kunwari pa raw… Ehem!Edit

Pagibig ang tema ng kuwentong ito. Sa una’y hindi ito maliwanag sa kuwento ngunit sa pagsulong ng mga pangyayari, unti-unting nadiskubre, hindi lang ng dalawang tauhan sa kuwento, ngunit pati na rin ng mambabasa, ang mga tunay na nararamdaman ng mga puso na siyang naitago ng mga biro, inis, at panibugho.


Sapatos ni CinderellaEdit

Isang paksang tinatalakay ng kuwentong Sapatos ni Cinderella ay ang pagibig at ang paglaro ng tadhana. Sinubukan ni Lety at ng kaniyang Prince Charming ang kanilang kapalaran na muling magtagpo matapos ng paghihiwalay at sa kabutihang palad ay ang tadhana ang nagdala sa kanilang dalawa patungo sa isa’t isa.


Tunay na LalakiEdit

Isang paksang natalakay sa kuwento ay ang diskriminasyon sa mga bakla. Ito’y makikita sa panglalait ng mga tauhan kay Berto.

Ang pagibig rin ay isang temang matatagpuan sa relasyon ng magkasintahang sina Aning at Berto.

Wikia ni Franchina Ruby

Ad blocker interference detected!


Wikia is a free-to-use site that makes money from advertising. We have a modified experience for viewers using ad blockers

Wikia is not accessible if you’ve made further modifications. Remove the custom ad blocker rule(s) and the page will load as expected.